...
Sana'y di magmaliw ang dati kong araw
Nang munti pang bata sa piling ni Nanay
Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal
Awit ng pag-ibig nang ako'y nasa duyan…
Nakaupo ako sa duyan, kasama ang alaala ng aking ina. Pagod na pagod na ako sa kakaiyak, pagod na pagod na sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pagkamatay. Naaalala ko parin ang kanyang sinabi sa akin.
“Huwag mo akong limutin, ngunit bitawan mo rin ako,” wika niya.
Pinunas ko ang mga luha na nahuhulog muli sa aking mga mata. Ngayon ay nagsisisi ako sa aking mga kalokohang ginawa noong araw, noong buhay pa si ina. Pinapagalitan niya ako noon, naiinis rin ako sa kanya. Ngumiti ako ng konti, inaalala ang kanyang mga sermon sa akin. Ngayon na wala na ang mga araw na iyon, hinahanap ko sila.
Umugoy ng kaunti ang duyan sa pagdaan ng hangin. Hanggang ngayon ay napapatulog ako sa boses ng aking ina, na dinadala ng bawat ugoy ng duyan, ng bawat ihip ng hangin. Napapatulog ako sa kanyang alaala, sa kanyang kanta…
Sa aking pagtulog na labis ang himbing
Ang bantay ko'y tala
Ang tanod ko'y bituin
Sa piling ni Nanay
Langit ang buhay
Puso kong may dusa
Sabik sa ugoy ng duyan mo, Inay
Sana narito ka Inay…
Sana narito ka, inay.
[based on a Filipino lullaby]